Kaso ng ilang sakit na madalas tuwing tag-ulan, nakitaan ng pagtaas ng DOH

Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na ugaliin ang pagiging maingat at malinis sa katawan sa gitna ng pagtaas ng kaso ng mga sakit na dulot ng mga pag-ulan.

Sa isang pahayag, pinag-iingat ng kagawaran ang publiko laban sa W.I.L.D diseases o water and food-borne diseases, Influenza-like illnesses, Leptospirosis, at Dengue.

Sa datos ng DOH, nasa 9,995 ang naitala nilang kaso ng Influenza-like illnesses sa bansa hanggang pagpasok ng Pebrero na nangalahati ang ibinaba kumpara sa kaparehong panahon noong 2024.


Sa kabila niyan, naitala ang pagsipa ng kaso mula unang linggo ng Enero o noong January 5 hanggang January 18 na doble kumpara noong December 22, 2024 hanggang January 4, 2025.

Tumaas din ng walong porsyento ang kaso ng Leptospirosis sa bansa na may 422 nang naitala mula sa 392 noong nakaraang taon.

Pagdating naman sa Dengue cases, nakitaan din ng upward trend na may 28,234 na kaso na as of February 1 o katumbas ng 40 percent na pagtaas kumpara noong nakaraang taon.

Patuloy naman ang paalala ng DOH na magpakonsulta agad kapag nakaranas ng sintomas ng mga nasabing sakit at para maiwasan ang komplikasyon.

Facebook Comments