Kaso ng online libel at paglabag sa anti-photo & video voyeurism, tumaas noong 2024

Bagamat bumaba ang kabuuang bilang ng cybercrime cases mula 2023 hanggang 2024, nananatiling mataas ang kaso ng online libel at paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act.

Batay sa datos ng PNP- Anti-Cybercrime Group, tumaas ng 3.92% ang kaso ng online libel, mula 1,403 noong 2023 patungong 1,458 noong 2024.

Samantala, ang kaso naman ng paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act ay lumobo ng 18.02%, mula 294 patungong 347 sa parehong taon.


Itinuturong dahilan ng ACG sa pagtaas ng kaso ng online libel ang lumalawak na paggamit ng social media at internet access na nagbubunsod ng mas maraming pagkakataon sa ilan para sa pagkalat ng maling impormasyon at paninirang-puri.

Samantalang ang kaso naman na may kinalaman sa paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act ay nauugnay sa mga dating magkarelasyon, na gumagamit ng mga larawang pribado bilang paraan ng paghihiganti o pang-blackmail.

Kasunod nito, pinayuhan ng ACG ang publiko na agad na iulat sa kanilang tanggapan kung mabiktima ng online abuse upang agad itong maaksyunan.

Facebook Comments