
Mariing itinanggi ng House prosecution panel na natakot sila kay Office of the Vice President Chief-of-staff Atty. Zuleika Lopez kaya hindi na nila ito isinalang bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Private Prosecutor Atty. Lorna Kapunan, ang pasya ng prosekusyon ay batay sa kanilang evaluation na sobra-sobrang ebidensya na ang nailatag kaakibat ng pagharap ng mga testigo na sina National Bureau of Investigation (NBI) agent John Mark Calilung at Regional Director Atty. Jeremy Lotoc.
Paliwanag ni Kapunan, kung isasalang si Atty. Lopez at House Sergeant at Arms Captain Belinda Bello, ay magiging “redundant” o paulit-ulit na ang presentation ng mga ebidensya para sa ika-apat na article of impeachment.
Patungkol ito sa banta na ipapapatay ni VP Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pang personalidad.
Binigyang diin pa ni Kapunan na walang nangyaring backdoor channeling o kasunduan sa pagitan ng prosekusyon at depensa para i-atras ang pagtestigo ni Atty. Lopez.










