Kilos protesta ng iba’t ibang grupo, ikinasa sa Mendiola kasabay ng transport strike

Nagkasa ng kilos protesta ang iba’t ibang grupo sa may bahagi ng Mendiola kasabay ng ikinakasang transport strike ng PISTON at Manibela.

Bago makapunta ng Mendiola, nagmartsa sila mula Welcome Rotonda bilang pakikiisa sa tigil-pasada.

Ang nasabing protesta ay bunsod ng hindi pagpansin sa mga hinaing ng mga drayber at operator tungkol sa Jeepney Modernization Program.


Giit ng mga nagkikilos-protesta, palpak, pahirap, at hindi makatao ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program lalo na’t hindi talaga kakayanin ang pagkuna ng isang unit ng modern jeepney.

Ipinababasura rin nila ang pagpapatupad ng nasabing programa gayundin ang deadline para sa franchise consolidation.

Panawagan din nila na dapat ibalik ang limang taong prangkisa na matagal na nilang gamit sa pamamasada ng jeep.

Facebook Comments