Wednesday, October 28, 2026

Sen. Jinggoy Estrada, itinanggi ang paratang na nagsingit siya ng mahigit P7 billion para sa DPWH projects

Mariing pinabulaanan ni Senator Jinggoy Estrada ang alegasyon ni dating Public Works Secretary Manuel Bonoan na mayroon siyang higit P7 billion na isiningit na congressional initiatives sa ilalim ng 2025 national budget.

Sa statement na ipinadala ng senador, binigyang-diin niya ang patuloy na pagtanggi sa mga akusasyon sa kanya ni Bonoan.

Ang official records aniya ng Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO) ang magpapatunay na wala siyang isiningit na pondo para sa mga maanomalyang proyekto.

Maging ang LBRMO ay nagsumite ng liham sa Office of the Ombudsman noong Marso na nagbibigay ng paglilinaw na walang legislative records o official documents na magpapatunay na nagsingit ng mga proyekto para sa DPWH ang senador.

Tinukoy din ni Estrada na maging sa privilege speech ni Senator Ping Lacson ay iginiit din na walang records ang LBRMO sa naturang budget insertions.

Idiniin pa ni Estrada na ang General Appropriations Act o ang batas para sa national budget ay hindi lang gawa ng isang mambabatas kundi produkto ito ng dalawang kapulungan ng Kongreso na inaprubahan ng pangulo.

Facebook Comments