
Kinilala ng Supreme Court na constitutional ang unprogrammed appropriations pero nagtakda ito ng limitasyon sa paglalabas at paggamit nito.
Sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, sinabi ng Korte Suprema na kailangan ng gobyerno ang flexibility sa paggastos pero dapat manatili sa loob ng itinakdang limitasyon ng Saligang Batas ang kapangyarihan ng Kongreso at Executive branch.
Ang unprogrammed appropriations ay standby funds na maaaring gamitin kapag may karagdagang kita ang gobyerno o naaprubahan ang loans para sa foreign-assisted projects.
Hindi tulad ng regular budget, wala pang garantisadong mapagkukunan ng pondo ang unprogrammed appropriations sa oras na aprubahan ang national budget.
Pinawalang-bisa ang P449.5 billion na dagdag sa 2024 unprogrammed appropriations, na nagpalaki sa panukalang P281.9 billion ng pangulo hanggang P731.4 billion.
Invalid din ang P17.992 billion na dagdag sa 2025 Special Road Fund, dalawang probisyon sa 2026 budget tungkol sa paglalabas ng unprogrammed funds, at ilang dagdag sa special accounts na lumabag sa budget rules.
Gayunman, hindi ibig sabihin nito na unconstitutional ang lahat ng unprogrammed appropriations o awtomatikong kailangang isauli ang mga pondong nagastos na.
Sa ilalim ng operative fact doctrine, maaaring kilalanin ang mga proyektong naipatupad na at hindi na maibabalik sa dating kalagayan, kung kumilos nang may good faith ang mga benepisyaryo.
Nilinaw rin ng Korte Suprema na ang pangulo ang naghahanda at nagmumungkahi ng national budget, habang ang Kongreso ang naglalaan ng pondo sa loob ng Constitutional limits kung saan dapat ding sundin ng bicameral conference committee ang mga limitasyong ito.
Bagama’t nagkakaiba ang ilang mahistrado sa legal na batayan ng desisyon, binigyang-diin ng Katas-taasang Hukuman na hindi dapat gamitin ang unprogrammed appropriations para lang malusutan ang Constitutional restrictions sa paggastos ng pera ng bayan.
Nilinaw ni Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Ting na hindi pa final and executory ang desisyon at may 15 days mula sa pagtanggap ng desisyon ang mga partido para maghain ng motion for reconsideration.
Ito’y kasunod ng pahayag ng Malacañang na hihirit ng pag-review sa ruling ang Office of the Solicitor General.










