
Hati ang mga amici curiae pagdating sa kanilang ibinigay na legal opinion tungkol sa voting threshold para sa conviction o acquittal sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte (VPSD).
Binasa ni Senate Secretary Renato Bantug Jr., ang written legal memorandum na isinumite ni retired Chief Justice Hilario Davide Jr., na hindi makadalo physically dahil sa isang medical procedure.
Sa legal opinion ni Davide, ipinaliwanag niya na ang tinutukoy na 2/3 ng lahat ng mga miyembro ng Batasang Pambansa ng 1973 Constitution at 1987 Constitution ay mga indibidwal na walang mental, physical o health conditions na posibleng maging hadlang para magampanan ang kanilang kapangyarihan at tungkulin bilang mga senador, sa madaling salita kung sino ang may kakayahang makaboto at hindi nangangahulugan na 2/3 ng 24 senators.
Ang mga senator-judges aniya na hindi nakadalo ng sesyon ng korte ay hindi maikokonsidera na lumahok o tumupad sa kanilang tungkulin, kabilang dito ang mga nasa labas ng hurisdiksyon ng Pilipinas o ng dayuhang bansa lalo na ang mga hindi malaman kung nasaan o mga nagtatago para makaiwas sa pag-aresto.
Kinwestyon naman ni retired Chief Justice Artemio Panganiban na patas ba kung papayagan ang mga senator-judges na bumoto sa kabila ng pagiging absent ng mga ito lalo na kung ilan sa mga ito ay nagtatago, nasa abroad, nakakulong, maysakit, o absent at hindi nagkaroon ng pagkakataon na masuri ang mga dokumento at narinig ang testimonya ng mga testigo.
Hindi aniya magiging patas kung papayagan ang mga hukom na bumoto kung ilan sa mga ito ay namamasyal sa abroad, at nagtatago sa ibang bansa habang ang iba ay hirap at pinagpapaguran ang pakikinig sa mga abogado at sa opinyon ng mga amici curiae gaya niya.
Pareho naman sina retired Chief Justice Reynato Puno at retired Associate Justice Adolfo Azcuna na ipinauubaya sa impeachment court ang pagkonsidera sa mga kasamahan kung makakaboto sa impeachment trial.
Ayon kay Puno, ang impeachment court ang may sole power na litisin at desisyunan ang mga impeachment cases, ibig sabihin may kapangyarihan ang impeachment court na i-interpret ang kahulugan na walang taong pwedeng ma-convict kung walang 2/3 ng boto ng lahat ng mga miyembro ng Senado.
Sinabi naman ni Azcuna na walang tama at mali sa interpretasyon ng 2/3 voting threshold, at aniya basta’t sila ay mga miyembro ng Senado, sila ang bumubuo ng denominator ng pagcompute ng threshold ng 2/3 at saklaw nito ang lahat o kabuuang bilang ng mga miyembro.
Ngkakaisa naman ang mga amici curiae na hindi pwedeng gamiting basehan ang Avelino V Cuenco case dahi ito ay tumatalakay lamang sa bilang ng quorum at hindi sa voting threshold ng impeachment court.










