
Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na korapsyon ang isa sa pinakamabigat na kasalanang nagagawa laban sa taumbayan at dapat managot ang mga opisyal na sangkot dito.
Sa joint press conference sa Malacañang kasama si German President Frank-Walter Steinmeier, sinabi ng pangulo na malaking hadlang ang korapsyon sa maayos na paghahatid ng serbisyo ng gobyerno sa mamamayan.
Binigyang-diin niya na ang pondong nawawala dahil sa katiwalian ay pera ng taumbayan na dapat ginagamit sa mga proyekto, programa, at serbisyong pakikinabangan ng mga Pilipino.
Ayon kay Pangulong Marcos, hindi madaling sugpuin ang korapsyon kaya kailangan hindi lamang maparusahan ang mga sangkot kundi mabago rin ang mga sistemang nagiging daan sa pang-aabuso at paglustay ng pondo ng bayan.
Tiniyak naman ng pangulo na magpapatuloy ang pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal at ang pagpapatupad ng mga repormang magpapalakas sa transparency at pananagutan sa pamahalaan.










