
Hindi pinalampas ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro ang tila patutsada ni Senadora Imee Marcos sa isang video, kung saan sinabi nitong bukod sa International Criminal Court (ICC), mayroon ding “ICC” sa Malacañang.
Hindi man direktang pinangalanan ng senador si Castro, ipinahiwatig sa video na ang letrang “I” ay tumutukoy sa salitang “impakta.”
Tugon naman ni Castro, hindi siya sanay gumamit ng mga salitang nang-iinsulto o ad hominem laban sa kapwa.
Pero iginiit niyang kung ang bansag na “impakta” ay dahil sa kanyang paglaban sa fake news, mas dapat umanong tanungin kung sino ang tunay na inilalarawan ng naturang salita.
Dagdag pa ni Castro, hindi niya inaagaw ang “korona” ng bansag na impakta.
Wala aniya siya sa kalingkingan ni Senator Imee at ng kaniyang grupo para gamitin ang naturang bansag.










