
Naitala ng Department of Environment and Natural Resources o DENR ang kritikal na antas ng kalidad ng hangin sa Guinobatan, Albay kasunod ng patuloy na pagbuga ng abo ng Bulkang Mayon.
Ayon sa Environmental Management Bureau Region V, umabot sa matinding level ng particulate matter ang hangin sa lugar, dahilan para magpatuloy ang mahigpit na monitoring sa kalagayan ng kapaligiran.
Agad na nag-deploy ng karagdagang monitoring equipment ang DENR sa mga apektadong lugar upang makuha ang real-time na datos ng hangin, habang patuloy ang babala sa mga residente na iwasan ang matagal na exposure sa ashfall.
Kasabay nito, nagpapatuloy rin ang water quality testing sa mga kalapit na ilog at pinagkukunan ng tubig upang matiyak na hindi ito kontaminado at ligtas pa ring gamitin ng mga evacuee at residente.
Patuloy na pinaalalahanan ng DENR ang publiko na magsuot ng protective masks at sumunod sa mga lokal na health advisories habang nananatiling aktibo ang bulkan.
Sa ngayon, nananatiling naka-alerto ang ahensya sa posibleng epekto ng ashfall sa kalusugan at kapaligiran ng mga komunidad sa Albay.










