
Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. na walang krimen sa nangyaring insidente na nag-viral noong May 2 sa kahabaan ng Alabang–Zapote Road sa Barangay Almanza Uno, Las Piñas City .
Nabatid na ito ay na kinasasangkutan ng mga menor de edad na umano’y nagtangkang sumakay at manggulo sa mga pasahero ng isang pampasaherong jeep.
Ayon kay Nartatez, hindi ito isang kaso ng pagnanakaw kundi isa lamang insidente ng pagtanggi ng driver na pasakayin ang mga kabataan.
Kaugnay nito, kinumpirma ng pulisya na walang nasaktan at walang napinsalang ari-arian sa naturang insidente.
Samantala iniendorso na ang mga nasabing kabataan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa angkop na interbensyon alinsunod sa mga protokol sa pangangalaga ng bata.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Pambansang Pulisya sa mga lokal na pamahalaan at DSWD para sa pagbuo ng mga hakbang para mailayo ang mga menor de edad sa mga gang sa lansangan at iba pang aktibidad na maaaring maglantad sa kanila sa kriminalidad.










