
Magpapasya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa loob ng ilang linggo kung pagbibigyan ang kahilingan ng Estados Unidos na ipa-extradite si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nasa pangulo na ang extradition request at kailangan itong maingat na pag-aralan bago gumawa ng hakbang, alinsunod sa batas at extradition treaty ng Pilipinas at US.
Posibleng ipagpaliban ang extradition at manatili muna si Quiboloy sa Pilipinas habang nililitis ang mga kaso niya rito, o pansamantalang ihinto ang mga paglilitis para bigyang-daan ang kanyang pag-extradite sa US.
Nahaharap si Quiboloy sa kasong qualified human trafficking sa Pasig Regional Trial Court (RTC) at sexual abuse at maltreatment sa Quezon City RTC.
Samantala, ang kahilingan ng US ay kaugnay ng mga kasong sex trafficking of minors, visa fraud at bulk cash smuggling na isinampa laban sa kanya sa California.










