Nagtipon ang mga estudyante at guro ng Urdaneta City National High School para saksihan ang pagdating ng mga labi ni Captain Raymart Cabangcala noong Oktubre 30.
Pasado alas-10 ng umaga nang dumating ang mga labi ng piloto sa oval ng nasabing paaralan, kung saan sinalubong ito ng mga residente bilang pagpupugay sa isang kababayang nag-alay ng buhay sa paglilingkod.
Sa panayam ng IFM News Dagupan, ibinahagi ng ilang mag-aaral ang kanilang lungkot sa sinapit ng piloto at pakikiramay sa pamilya nito.
Gayunman, sinabi rin ng ilan na paghanga at pagkilala sa sakripisyo ni Cabangcala ang nangingibabaw sa kanilang pagsalubong.
Para naman sa ilang guro, bagama’t nakapanlulumo ang nangyari, maaari umano itong magsilbing inspirasyon sa mga kabataan.
Matatandaang kabilang si Cabangcala sa apat na piloto ng Philippine Air Force na nasawi matapos ang air collision ng dalawang SF-260 training aircraft habang nagsasagawa ng training flight sa Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas noong Oktubre 23.
Mula sa Villamor Air Base sa Pasay City, kung saan isinagawa ang necrological service noong Oktubre 29, inihatid ang mga labi ng piloto pabalik sa Urdaneta City.
Kasalukuyang nasa isang punerarya ang mga labi ng piloto kung saan nakatakdang idaos ang burol mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 4.
Sa gitna ng pagdadalamhati, para sa ilang taga-Urdaneta, ang pagbabalik ni Cabangcala sa kaniyang sariling bayan ay nagsilbing pagkakataon para magbigay-pugay sa isang kababayang nagsilbi sa bansa at nag-iwan ng inspirasyon sa susunod na henerasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








