PRICE AT SUPPLY MONITORING, ISINAGAWA NG DTI PANGASINAN PARA SA NALALAPIT NA UNDAS

Nagsagawa ng malawakang price at supply monitoring ang Department of Trade and Industry o DTI Pangasinan sa iba’t ibang establisimyento sa lalawigan bilang paghahanda sa paggunita ng Undas 2026.

Kabilang sa mga minomonitor ng DTI ang presyo at suplay ng mga kandila, bottled water, at bulaklak na karaniwang binibili ng publiko sa panahon ng Undas.

Layunin ng naturang hakbang na matiyak ang sapat na suplay ng mga pangunahing bilihin, maiwasan ang hindi makatarungang pagtaas ng presyo, at mapanatili ang patas na kalakalan sa mga pamilihan.

Ayon kay DTI Provincial Director Ms. Natalia Dalaten, batay sa isinagawang monitoring, nananatili sa loob ng Suggested Retail Prices o SRP ang presyo ng mga kandila at bottled water. Sapat din ang suplay ng mga ito upang matugunan ang kasalukuyang pangangailangan ng mga mamimili.

Bagama’t kakaunti pa lamang ang namataang bumibili ng kandila, inaasahang tataas ang demand sa mga susunod na araw, lalo na sa papalapit na November 2.

Patuloy namang tiniyak ng DTI Pangasinan ang pagsasagawa ng market monitoring at mga programa para sa kamalayan ng publiko upang maprotektahan ang bawat Pangasinense ngayong Undas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments