“CANDLE BOYS” AT “PARKING BOYS” SA MANAOAG, MAHIGPIT NA MINOMONITOR UPANG MAIWASAN ANG SOBRANG PANININGIL SA MGA DEBOTO AT TURISTA NGAYONG UNDAS

Minomonitor ng Manaoag Municipal Police Station ang mga tinatawag na “candle boys” at “parking boys” sa Manaoag, Pangasinan, upang maiwasan ang sobrang paniningil sa mga deboto at turista, lalo na ngayong papalapit na ang Undas.

Inaasahan naman ng mga nagbebenta ng kandila at tumutulong sa pagpaparada ng mga sasakyan na madaragdagan ang kanilang kita sa pagdagsa ng mga deboto sa simbahan ng Manaoag bago bumisita sa mga sementeryo upang mag-alay ng panalangin at kandila para sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Sa panayam ng IFM Dagupan kay Rodalio Obosa, isang candle boy at parking boy, sinabi nitong kakaunti lamang ang kanilang kinikita sa mga karaniwang araw dahil kaunti rin ang kanilang mga nabebentahan ng kandila at mga motoristang natutulungan sa pagpaparada.

Dahil dito, umaasa silang magkakaroon ng dagdag na kita ngayong Undas upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Ayon naman kay Police Major Arnel R. Tamayo, chief of police ng Manaoag Municipal Police Station, patuloy nilang minomonitor ang mga candle boy at parking boy upang maagapang matugunan ang mga reklamo at maiwasan ang anumang insidenteng maaaring makaapekto sa kaayusan ng bayan.

Binigyang-diin din ng opisyal na may kaukulang parusa ang sinumang mapatutunayang lumalabag sa mga umiiral na patakaran.

Sa ngayon, patuloy ang paghahanda at pagbabantay ng mga awtoridad at lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa Manaoag sa inaasahang pagdagsa ng mga deboto, residente at turista ngayong Undas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments