Lacson-Sotto: Bukod sa COVID, ingat din sa fake news laban sa mga kandidato

57

May paalala para sa kanilang mga tagasuporta at sa lahat ng botanteng Pilipino ang tambalan nina Partido Reporma presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate niya na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa pagsisimula ng opisyal na panahon ng kampanya.

Ayon sa dalawang batikang public servant, kinakailangang mas maging maingat ang mga botante dahil kakaiba sa lahat ng mga nakalipas na eleksyon noong mga nagdaang taon ang magiging paghalal ngayon sa mga posisyon sa national at local government.

Bukod kasi sa banta sa kalusugan dulot ng umiiral pa ring pandemya ng COVID-19, nagkaroon din ng malaking pagbabago sa political landscape sa bansa dahil sa fake news o pagpapakalat ng mali o nakapanlilinlang na impormasyon para masira ang reputasyon ng isang kandidato at malihis ang paniniwala ng publiko.


Sinabi ni Lacson sa panayam ng DZRH nitong Lunes na personal niyang naranasan ang hagupit ng epekto ng fake news at black propaganda dahil naging biktima na siya ng maling akusasyon para siraan ang kanyang malinis na record sa serbisyo publiko simula nang mahalal siya bilang senador noong 2001.

“Nalunod kami ng propaganda. Alam mo naman e pagka natodohan ka ng propaganda, ‘yung fake news nagiging totoo sa isipan ng mga kababayan,” aniya.

Payo niya sa lahat ng mga botante, pag-aralang mabuti ang mga impormasyon na ipinapakalat lalo na sa mga online platform tulad ng social media dahil maaaring pakana lamang ito ng ilang humahadlang na masiwalat ang katotohanan o gustong malubog ang kalaban upang sila ang umangat sa karera.



Ibinahagi rin ni Lacson ang plano nila ni Sotto upang simulan ang national campaign kasabay ng pagpapaalala sa kanilang mga tagasuporta na huwag magpakampante at sundin pa rin ang mga health protocol ngayong maraming lugar na sa bansa ang isinailalim sa Alert Level 2.

“Kami ni Senate President at saka ‘yung mga senatorial candidates namin, doon kami sa, siyempre, sa bayang sinilangan ko sa Imus. Sa Imus Grandstand kami pero magmimisa muna kami doon sa Imus Cathedral,” aniya.

“‘Yung disiplina napaka-importante sa panahon ng pandemya. Isipin mo mag-ra-rally ka, e dikit-dikit, tapos magkakahawaan. E ‘di nag-contribute ka pa sa problema,” saad ni Lacson na pinayuhan ang lahat na panatilihin ang physical distancing, pagsusuot ng face mask, at paghuhugas ng mga kamay.

Facebook Comments