Inaprubahan na ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang kauna-unahang bakuna laban sa African Swine Fever (ASF) na maaaring ibenta sa publiko.

Ang AVAC ASF LIVE vaccine ay para sa mga fattening pigs at layong makatulong na maprotektahan ang mga malulusog na baboy laban sa ASF.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), malaking tulong ang bakuna sa programa ng pamahalaan na muling maparami ang populasyon ng baboy sa bansa.

Mula sa tinatayang 13 milyon bago tumama ang ASF noong 2019, bumaba sa nasa 8 milyon ang populasyon ng baboy sa Pilipinas.

Sa datos ng BAI, nakapagtala na rin ng ASF outbreak sa 76 sa 82 lalawigan sa bansa.

Samantala, isa pang ASF vaccine mula South Korea ang kasalukuyang sinusuri ng BAI.

Nilinaw naman ng DA na hindi nakahahawa sa tao ang ASF, ngunit maaari itong magdulot ng matinding epekto at pagkamatay sa mga baboy.

Facebook Comments