
Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go na dapat magkaroon ng kampanya ang Department of Health (DOH) laban sa leptospirosis na mula sa ihi ng daga.
Muling iginiit ng senador na seryoso ang kanyang pahayag sa gitna ng pagdinig ng budget ng DOH na hanggang ngayon ay hindi pa rin nahuhuli ang daga sa kanyang opisina at maging sa kanyang tinitirhan na apartment matapos mag-alala sa sakit na maidudulot nito sa tao.
Ayon kay Go, kung may kampanya ang DOH laban sa dengue na mula sa lamok ay dapat meron ding kampanya ang ahensya laban sa leptospirosis na mula naman sa daga upang mapag-ingat ang mga tao sa sakit.
Naunang iginiit ni Go sa DOH na paigtingin ang information drive laban sa leptospirosis at sa pangangailangan na uminom agad ng doxycycline oras na lumusong sa baha.
Nababahala ang senador na lumala ang kaso lalo ngayong panay ang pag-ulan at pagbaha dulot ng habagat dahil marami pa ring mga kababayan ang hindi alam na dapat inuman agad ng gamot kapag nagpunta sa may bahang lugar.










