Wednesday, August 12, 2026

Lahat ng senador noong 2025, nag-avail ng leadership fund —former DPWH Sec. Manuel Bonoan

Ibinunyag ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa pagdinig ng Sandiganbayan 3rd Division ngayong Miyerkules sa malversation case ni dating Sen. Bong Revilla na nagsumite sa kaniya si dating DPWH Usec. Roberto Bernardo ng listahan ng proposed infrastructure projects nina Sen. Bong Go at Sen. Robin Padilla para makapag-avail ng leadership fund noong 2025.

Ang leadership fund noong 2025 ay bahagi umano ng pondo ng DPWH na ibinibigay para pondohan ang mga panukalang priority project ng mga senador para maisingit sa National Expenditure Program (NEP) at wala umanong masama na gamitin ito maliban na lang, kung magkakaroon ng nakawan o kickback scheme sa nasabing pondo.

Nakatatanggap ng P500 million minimum ang mga senador habang P1 billion naman ang para sa mga chairperson ng major committees, gaya ng public works at finance, base sa judicial affidavit ni Bonoan.

Ayon kay Bonoan, walang pormal na proseso at wala rin umanong letter request na kailangang isumite sa pag-a-avail ng leadership fund.

Ang kailangan lang umano ay listahan, sa kahit na anong format, ng mga priority projects ng mga senador na mag-a-available ng leadership fund.

Dagdag pa rito, wala rin umanong senador na direktang lumapit kay Bonoan para mag-avail ng leadership fund, kung kaya’t nalalaman lang umano ni bonoan kung sino ang proponents kapag nagpapakilala na ang courier o yung nagdala ng listahan sa tanggapan ng departamento kung sino ang inirerepresenta nila.

Maliban dito, lahat din umano ng senador noong 2025 ay nakapag-avail ng leadership fund, habang si dating Senator Bong Revilla naman, na dating chairman ng Senate Committee on Public Works, ay nakakuha ng P1 billion na leadership fund 2025.

Facebook Comments