
Hindi pabor si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa panukalang mas mabigat na parusa sa mga maling nagtatapon ng basura.
Ayon sa pangulo, walang saysay ang pagpapataw ng mas mataas na multa kung wala namang sapat at maayos na pasilidad para sa tamang pagtatapon at pamamahala ng basura.
Dapat aniyang tiyakin muna ng pamahalaan ang pagkakaroon ng maayos na waste disposal facilities bago higpitan ang parusa sa mga lumalabag.
Nang tanungin naman kung maituturing nang garbage crisis ang sitwasyon ng basura sa bansa, sinabi ng pangulo na kritikal na ang problema.
Ngayong araw, personal na ininspeksyon ni PBBM ang clearing operations sa bahagi ng Manila Bay, Diokno Boulevard sa Pasay City at Redemptorist Water Channel sa Parañaque, kung saan makapal ang basurang inanod matapos ang malalakas na pag-ulan.
Sa Baclaran River, pinamadali ng pangulo ang paghakot ng basura para hindi muling bumara ang daluyan ng tubig at maiwasan ang pagbaha kapag muling lumakas ang ulan.
Sa Pasay City naman, tuloy-tuloy pa rin ang clearing operations kung saan limang dump truck ng basura ang nakolekta roon mula kagabi.










