
Suportado ng Malacañang ang panukala na magpataw ng mas mabigat na parusa sa maling pagtatapon ng basura, matapos makita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang tambak na basura sa Redemptorist Water Channel sa Baclaran, Parañaque City.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi dapat nahaharangan ng basura ang mga daluyan ng tubig dahil maaari itong magpalala ng baha kapag malakas ang ulan.
Kinalampag din ni Castro ang mga local government unit at barangay officials na mahigpit na ipatupad ang mga ordinansa laban sa pagtatapon ng basura kung saan-saan.
Sa Metro Manila, mayroon nang ₱5,000 multa sa littering matapos magpatupad ang Metro Manila Council ng iisang maximum fine para sa 16 na lungsod.
Gayunman, sinabi ng MMC na kailangan munang baguhin ang Local Government Code kung nais pang taasan ang itinakdang multa.










