LALAKI, ARESTADO SA PANGGAHASA NG MENOR DE EDAD; BIKTIMA, NAGSILANG NA

27
Arestado ang isang lalaki sa panggagahasa sa isang 11-taong gulang na biktima sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya.

Ang suspek ay kinilala bilang katiwala sa bukid ng pamilya ng biktima, 21-taong gulang.

Naaresto ang suspek matapos isilbi ang warrant of arrest na ipinalabas ni Presiding Judge Paul Attolba Jr. ng RTC Branch 30.

Ayon sa imbestigasyon ng PNP Bambang, pinasok ng suspek ang biktima sa kwarto kung saan isinagawa ang panggagahasa habang natutulog ang mga magulang nito sa kabilang kwarto noong Mayo 2021.

Tinakot umano ng suspek ang bata upang di magsumbong sa mga magulang.

Dahil katiwala ito sa bukid ay nakatira pa ang suspek sa bahay ng biktima hanggang sa malaman na manganganak na ang bata.



Ayon sa pulisya, hindi inakala ng mga magulang ng bata na buntis ito dahil kakasimula pa lang nitong reglahin bagkus ay inisip lamang nila na tumataba ito.

Nagulat na lamang umano ang mga magulang ng biktima nang manganak ito at nalaman ang ginawa ng suspek.

Pahayag naman ng suspek na may relasyon sila ng biktima ngunit mariing pinasinungalingan naman ito ng bata.

Ang suspek ay dinakip kahapon Setyembre 27, 2022 at nasa kustodiya na ng PNP Bambang.

Facebook Comments