Thursday, September 3, 2026

LALAKI, BIGLA UMANONG SINAKSAK SA CALASIAO; SUSPEK, ARESTADO

Sugatan ang isang 38-anyos na lalaki matapos umanong saksakin ng isang construction worker sa Barangay Banaoang, Calasiao, Pangasinan noong Setyembre 1.

Batay sa paunang ulat ng pulisya, nasa gilid ng kalsada ang biktima nang bigla umano siyang saksakin ng 51-anyos na suspek.

Nagtangka pa umanong manaksak muli ang suspek, ngunit nagawang pigilan ng biktima at nauwi sa kanilang pag-aagawan at komprontasyon. Kalaunan ay namagitan ang mga residente upang mapigilan ang dalawa.

Nagtamo ng isang saksak ang biktima at agad na isinugod ng kaniyang mga kaanak sa Region 1 Medical Center o R1MC, kung saan siya patuloy na ginagamot.

Agad namang rumesponde ang mga pulis at inaresto ang suspek. Dinala ito sa Calasiao Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang dahilan at motibo sa pananaksak. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments