
Muling pinapaalalahanan ng pamunuan ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital ang mga pasyente na walang bayad ang konsultasyon ar ang pag-book ng appointment sa Patient Appointment System (PAS).
Nabatid na may mga natatanggap na reklamo ang Fabella Hospital mula sa mga nagpapa-appointment na pasyente na sinisingil sila maging sa pagpapakonsulta.
Ang iba naman ay nagbabayad upang mauna sa pagkokonsulta at makakuha ng serbisyong medikal.
Kaugnay nito, inihayag Fabella Hospital na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-aalok o pagbibigay ng anumang serbisyo kapalit ng pera ng sinumang indibidwal o empleyado nito.
Ang ganitong gawain ay hindi awtorisado at hindi pinahihintulutan ng pamunuan ng ospital.
Paalala ng Fabella Hospital, ang mga pasyenteng mapapatunayan naman na may peke, huwad, o hindi lehitimong appointment ay hindi pahihintulutang makapagpakonsulta at kinakailangang mag-book ng panibagong lehitimong appointment sa pamamagitan ng opisyal na PAS.










