LALAKI, BINARIL SA BANI DAHIL SA MAINITANG PAGTATALO; SUSPEK, ARESTADO

Binaril ang isang lalaki matapos umanong may makaalitan habang nag-iinuman sa Sitio Caliswang, Barangay Banog Norte, Bani, Pangasinan noong Oktubre 6, 2026.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Bani Municipal Police Station, nag-iinuman umano ang biktima at suspek nang magkaroon ng pagtatalo.

Bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima, na tinamaan sa kaliwang bahagi ng tiyan.

Agad na isinugod ang biktima sa Western Pangasinan District Hospital sa Alaminos City at iniulat na stable ang kanyang kondisyon.

Nagsagawa naman ng hot pursuit operation ang mga rumespondeng pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Nasa kustodiya na ng Bani Municipal Police Station ang suspek para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.

Narekober mula sa suspek ang isang gawang-bahay na baril na walang serial number, na may lamang isang bala para sa caliber 5.56.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments