
Umaalma ang iba’t ibang transport groups sa muling pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa ilang lungsod sa Maynila.
Sa isinagawang press conference ng National Public Transport Coalition (NPTC), muli nilang iginiit na dapat munang linawin ang mga patakaran na nakapaloob sa NCAP.
Nais nilang malaman kung saan sino ang nagdedesosyon nito, sino ang pribadong kumpaniya na hahawak nito at paano nila malalaman ang mga guidelines sa paglabag.
Giit pa nila, dapat rin matukoy kung sino ang mananagot kapag nagkaroon ng technical error o maling idenfication lalo na’t walang inaanunsiyo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Bukod dito, nais rin nilang matiyak ang transparency at integridad ng mga ebidensiyang gagamitin sa paghuhuli kung saan wala rin naman naganap na public consultation bago at habang ipinapatupad ang polisiya.
Muli naman nilang ipinapaliwanag na hindi sila tutol sa pagpapatupad ng NCAP pero dapat ay maging malinaw ang patakaran nito kaya’t hiling nila na suspendihin muna ito at magkaroon ng tamang konsultasyon sa transport sector.
Panawagan nila, tila hindi napapanahon ang pagpapatupad ng NCAP lalo na’t hirap ang kasalukuyan sitwasyon ng ilang transport sector bunsod ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at mga bilihin.
