PATAY NA BABOY, INIWAN SA BUKID SA MANGATAREM; NASA LIKOD NG PAGTATAPON, TINUTUGIS

Isang patay na baboy ang natagpuan sa isang bukid sa Barangay Dorongan Sawat, Mangatarem, Pangasinan noong Oktubre 4, 2026.

Ayon sa pamunuan ng Mangatarem, mapanganib umano sa ibang alagang baboy ang maling pagtatapon ng patay na hayop, lalo na habang patuloy ang mga hakbang ng mga lokal na pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF).

Hindi pa naman nakumpirma kung ASF ang ikinamatay ng baboy na natagpuan sa lugar.

Hinahanap ngayon ang nasa likod ng pagtatapon at nanawagan ang pamunuan sa mga nakakaalam ng impormasyon tungkol sa insidente na agad ireport sa barangay.

Nakatakda umano itong isailalim sa inspeksyon para matukoy kung anong sanhi ng pagkamatay ng baboy.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ang mga hog-raisers na huwag magtapon ng mga namatay na hayop sa bukid, kalsada, kanal o iba pang pampublikong lugar.

Matatandaang may kahalintulad na pangyayari sa Pozorrubio kung saan ilang patay na baboy ang natagpuan sa Barangay Malasin noong Setyembre.

Patuloy namang nag-iinspeksyon at nagbabantay ang mga lokal na pamahalaan para maiwasan ang pagkalat ng ASF at maprotektahan ang mga alagang baboy at kabuhayan ng mga hog-raisers sa lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments