Lalaki na Pumasok sa Lamayan na ‘Di naman Kakilala, Arestado sa Pag-iingat ng Baril

Cauayan City, Isabela- Dinakip ng mga otoridad ang isang lalaki ang pumasok sa lamayan na hindi naman kakilala ng namatayan partikular sa isang punerarya sa national Highway ng Brgy San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Alas 3:30 kaninang madaling araw nang magulat ang kapamilya ng nilalamayan dahil biglang pumasok ang suspek na lango sa alak na kinilalang si Danilo Valcos, 50 anyos, walang trabaho, residente ng brgy Cabaruan na agad namang isinumbong sa himpilan ng pulisya.

Agad namang rumesponde ang mga kapulisan at kinapkapan ang suspek.


Habang ipinapalabas ang lahat ng laman ng dalang backpack ay nakita ang isang Kalibre 45 na baril na may anim (6) na bala.

Walang maipakitang kaukulang dokumento sa dalang baril ang suspek nang siya’y hanapan ng mga pulis na nagresulta sa kanyang pagkakahuli.

Nasa kustodiya ngayon ng PNP Cauayan City ang suspek at inihahanda na ang kasong isasampa na paglabag sa RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act“.

Facebook Comments