
Umabot sa 39°C ang heat index sa lungsod ng Dagupan City kahapon Abril 20, ayon sa DOST PAGASA, na nasa kategoryang “extreme caution.”
Ayon sa ahensya, sa ganitong antas ng init ay mataas ang panganib ng mga sakit na dulot ng matinding sikat ng araw tulad ng heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke.
Dahil dito, mahigpit na pinapayuhan ang publiko na uminom ng maraming tubig upang maiwasan ang dehydration, iwasan ang matagal na pagbabad sa araw lalo na sa pagitan ng alas-diyes (10) ng umaga hanggang alas-kwatro (4) ng hapon, at magsuot ng presko at magaan na kasuotan. Pinapayuhan din ang lahat na agad magpahinga at magpatingin kung makararanas ng sintomas tulad ng pagkahilo, panghihina, o matinding pagkapagod.
Samantala, nakaalerto ang mga lokal na tanggapan upang tumugon sa anumang insidente na may kaugnayan sa matinding init. Maaaring makipag-ugnayan ang mga residente sa City Health Office at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) para sa agarang tulong.
Patuloy namang hinihikayat ang mga Dagupeño na maging maingat at manatiling hydrated habang umiiral ang mataas na heat index sa lungsod. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










