Isang 58-anyos na lalaki ang nasawi matapos malunod habang nagbabakasyon sa Hundred Islands National Park sa Alaminos City noong Martes ng hapon, Abril 21, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon, kinilala ang biktima na residente ng Barangay Magsaysay, sa naturang lungsod.
Habang abala umano sa pagluluto ang anak nito sa isang nirentahang cottage, umiinom naman ng alak ang biktima nang pumunta sa dagat para maligo.
Makalipas ang ilang sandali, napansin umano ng kanyang anak na palutang-lutang na ito sa tubig at wala nang malay.
Agad itong humingi ng tulong at isinugod sa ospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival.
Dahil dito, nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na umiwas sa pag-inom ng alak bago o habang lumalangoy upang maiwasan ang pagkalunod.










