Papaadarin ng Department of Agriculture sa Ilocos Region ang Agri-Trucks Free Toll Assistance Program para sa mas mabilis na biyahe at mas sariwang produkto mula sa mga magsasaka patungo sa mercado.
Ayon sa tanggapan, pinakaunang aasikasuhin ang pagkakaroon ng Accreditation Certificate para sa Food Lane Application System na nangangailangan ng impormasyon at dokumento hanggang sa inspeksyon ng mga trak na mayroong Autosweep RFID.
Sa Ilocos Region, nasa 276 trak ang naitalang accredited ng tanggapan mula 2013 hanggang 2026, kung saan 184 sa naturang bilang ang may valid accreditation.
Nasa kabuuang 82 trak naman ang 2026 accredited simula Enero hanggang Abril 20, depende sa vehicle class, na may kargadang highland, lowland vegetables, manga, bigas, mais, sibuyas, marine fish at bangus.
Inaasahan pang madadagdagan ang naturang bilang ng mga accredited na trak sa rehiyon bunsod ng pagpapalakas ng foodlane system para sa mabilis at matipid na pagbiyahe ng mga produkto habang sinusuportahan ang mga lokal na magsasaka.










