Thursday, May 7, 2026

LALAKING MAY KASONG ESTAFA, ARESTADO SA BAYAMBANG

Inaresto ng mga tauhan ng Bayambang Municipal Police Station ang isang lalaki na nahaharap sa kasong Estafa sa isinagawang operasyon sa Brgy. Magsaysay, Bayambang, Pangasinan noong Mayo 4, 2026.

Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:50 ng umaga nang isilbi ang Warrant of Arrest na inilabas noong Enero 9, 2026 ng Presiding Judge ng Municipal Trial Court (MTC) ng Bayambang.

Matapos ang pag-aresto, ipinaalam umano sa akusado ang kanyang mga karapatang konstitusyonal alinsunod sa umiiral na batas. Ang buong operasyon ay naitala rin gamit ang body-worn camera bilang bahagi ng pagsunod sa standard operating procedures ng Philippine National Police.

Dinala muna ang akusado sa Bayambang District Hospital para sa physical examination bago ito itinurn-over sa Bayambang Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon ng kaso.

Ayon kay PLTCOL Rommel P. Bagsic, Acting Chief of Police ng Bayambang MPS, ipinapakita ng matagumpay na operasyon ang patuloy na dedikasyon ng kapulisan sa pagpapatupad ng batas habang tinitiyak na nirerespeto at pinangangalagaan ang karapatang pantao ng bawat indibidwal.

Patuloy naman ang paalala ng kapulisan sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments