Thursday, May 7, 2026

PNP NAGBABALA LABAN SA FIXERS SA RECRUITMENT PROCESS

Mahigpit na pinaalalahanan ng Pangasinan Police Provincial Office ang publiko at mga nagnanais maging bahagi ng Philippine National Police (PNP) na walang bayad at walang kinakailangang backer sa recruitment process ng organisasyon.

Ayon sa pulisya, ganap na libre ang lahat ng yugto ng aplikasyon at walang sinumang opisyal o tauhan ang dapat humingi ng pera kapalit ng pagpasok sa serbisyo.

Binigyang-diin ng PNP na ang pagiging miyembro ng organisasyon ay nakabatay sa kwalipikasyon, kakayahan, disiplina, at integridad, at hindi sa koneksyon, impluwensya, o pera.

Kasabay nito, nagbabala rin ang mga awtoridad laban sa mga fixer at mapanlinlang na indibidwal na nangangako umano ng “sure slot,” “quota,” o pagpapabilis ng aplikasyon kapalit ng salapi o anumang pabor.

Ayon sa PNP, ilegal ang ganitong uri ng gawain at maaaring magresulta sa pananagutang kriminal at administratibo laban sa mga sangkot.

Hinikayat naman ang publiko na huwag magbigay ng pera, huwag makipagtransaksyon sa fixer, at huwag basta magpapaniwala sa maling pangako ng mabilis na pagpasok sa serbisyo.

Pinapayuhan din ang sinumang may nalalamang kahina-hinalang recruitment activity na agad itong ireport sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa opisyal na PNP hotlines upang agad na maaksyunan.

Patuloy namang isinusulong ng PNP ang isang malinis, patas, at transparent na recruitment process bilang bahagi ng pagpapanatili ng integridad at tiwala ng publiko sa hanay ng kapulisan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments