LICENSURE EXAMINATION FOR PROFESSIONAL TEACHERS, NAKAPAGTALA NG MATAAS NA PASSING RATE; SDO DAGUPAN, NANATILING POSITIBO SA KABILA NG MGA HAMON SA SEKTOR NG EDUKASYON

Umabot sa 95.60 porsiyento ang pinakamataas na rating sa Elementary Level, habang 95.80 porsiyento naman sa Secondary Level sa isinagawang September 2026 Licensure Examination for Professional Teachers o LEPT sa Pilipinas.

Ito ay batay sa resulta na inilabas ng Professional Regulation Commission o PRC nitong Nobyembre 25, 2026.

Ayon sa panayam ng IFM News Dagupan kay Anna Liza M. Chan, CESO VI, Assistant Schools Division Superintendent ng Schools Division Office (SDO) Dagupan, magandang balita umano ito para sa sektor ng edukasyon, lalo na sa gitna ng magkakasunod na insidenteng naitala sa ilang paaralan.

Aniya, muling ipinapaalala ng tagumpay na ito ang mahalagang papel ng mga guro sa lipunan at ang mga sakripisyong kanilang pinagdaraanan upang maisakatuparan ang kanilang tungkulin. Dagdag pa niya, sa kabila ng mga hamon sa propesyong ito, marami pa rin ang nagnanais na tahakin ang landas ng pagtuturo.

Nagpaabot din ng pagbati at pagpapahalaga si Chan sa mga estudyanteng matagumpay na nakapasa sa pagsusulit, gayundin sa mga nagsisimula pa lamang kumuha ng kursong edukasyon.

Sa huli, binigyang-diin ni Chan ang kahalagahan ng pagiging guro sa paghubog ng lipunan, dahil malaking bahagi ang mga ito sa paglinang ng kaalaman, pagpapahalaga, at kakayahan ng susunod na henerasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments