
Pinaghahanap na ng Quezon City Police District (QCPD) ang hindi pa nakikilalang lalaki na suspek sa pangho-holdap sa kahabaan ng EDSA–Quezon Avenue footbridge sa Barangay Pinyahan, Quezon City.
Hindi umano agad na nai-report ng biktima sa pulisya ang insidente dahil sa tinukoy niyang “work constraints.” Gayunman, ini-report niya ito sa Barangay 176, Caloocan City at ibinahagi rin sa social media. Dahil dito, agad siyang natunton ng mga tauhan ng Kamuning Police Station 10 at nakuhanan ng pahayag hinggil sa insidente.
Batay sa salaysay ng biktima, naglalakad siya sa nasabing overpass patungo sa kanyang trabaho pasado alas-10:00 ng gabi noong Abril 24 nang bigla siyang lapitan ng suspek at tutukan ng patalim.
Tinangay ng suspek ang wallet ng biktima na naglalaman ng humigit-kumulang P18,000 cash at ilang identification cards.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang isinasagawang CCTV backtracking ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek at mapanagot ito sa batas.










