
Iginiit ni Senate President Vicente Sotto III na hindi maaaring pabayaan ang legislative work kahit maiakyat sa Senado ang articles of impeachment laban kay Sara Duterte.
Ayon kay Sotto, pag-uusapan muna ng mga senador kung paano magpapatuloy ang kanilang trabaho, lalo’t may sesyon pa hanggang June bago ang sine die adjournment.
Sinabi ni Sotto na isa sa mga opsyon ay magkaroon ng buong araw na sesyon tuwing Lunes, Martes, at Miyerkules—kung saan sa umaga ay plenaryo at sa hapon naman ang impeachment trial.
Samantala, iminungkahi ni Senate President pro tempore Panfilo Lacson na isagawa ang impeachment hearing tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes, habang ang sesyon naman ay sa Martes at Huwebes.
Posible rin aniya na alas-3:00 ng hapon ang sesyon sa plenaryo at alas-2:00 ng hapon ang simula ng paglilitis, alinsunod sa kanilang mga panuntunan.
Kaugnay nito, bago ang muling pagbabalik ng sesyon sa May 4, pupulungin muna ni Sotto ang mga senador upang ikonsulta ang mga susunod na hakbang sakaling iakyat sa Senado ang kaso.










