Monday, April 20, 2026

Comelec, tuloy pa rin sa paghahanda sa BSKE 2026 sa kabila ng panukalang ipagpaliban ito

Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na tuloy-tuloy ang kanilang paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2026.

Ito ay sa kabila ng pagsusulong ng ilang mambabatas na ipagpaliban ang halalan na nakatakdang idaos sa November 2, 2026.

Kaugnay nito, tiniyak ni George Erwin Garcia na susundin ng Comelec ang anumang ipag-uutos ng Kongreso.

Ayon kay Garcia, batay sa naunang desisyon ng Korte Suprema nang ipagpaliban ang naturang eleksyon, kinakailangang may “legitimate government interest.”

Naniniwala si Garcia na ang kasalukuyang krisis na nararanasan ng bansa—na hindi naman aniya kagagawan ng Pilipinas—ay maaaring ituring na lehitimong government interest, lalo na’t naaapektuhan ang kabuhayan ng maraming Pilipino dahil sa kaguluhan sa Middle East.

Giit ni Garcia, ang pagpapaliban ng halalan ay nasa kapangyarihan at absolute discretion ng Kongreso, kaya’t hindi maaaring makialam ang Comelec.

Paliwanag pa niya, maaari lamang magbigay ng suhestyon o rekomendasyon ang Comelec, ngunit ang pinal na desisyon kung ipagpapaliban ang halalan ay nasa Kongreso.

Facebook Comments