
Libo-libong mananampalatayang Katoliko kabilang na ang mga Pilipino ang pumila sa St. Peter’s Basilica sa Vatican sa unang araw ng public viewing sa mga labi ni Pope Francis kahapon.
Kahapon nang ilipat ang mga labi ng Santo Papa mula sa tirahan nito sa Casa Santa Marta papunta sa St. Peter’s Basilica.
Ayon sa Vatican, nasa 20,000 mananampalataya ang sumama sa prusisyon.
Pagdating sa St. Peter’s Square, sinalubong ng palakpakan ang mga labi ng Santo Papa.
Ipinuwesto ang kabaong ni Pope Francis sa harap ng Altar of the Confession.
Bago simulan ang public viewing, nagkaroon muna ng Liturgy of Word sa pangunguna ni Cardinal Kevin Farrel at natapos ang seremonya sa pag-awit ng Salve Regina.
Samantala, muling bubuksan ang public viewing ngayong araw mula alas-7:00 ng umaga hanggang hatinggabi, oras sa Vatican.
Tatagal ang public viewing hanggang bukas, isang araw bago ilibing ang Santo Papa sa Sabado.