LIBRENG BAKUNA, DEWORMING AT IBA PANG VETERINARY SERVICES, INILALAPIT SA MGA BAYAN SA PANGASINAN

Pinalalawak sa iba’t ibang bayan sa Pangasinan ang libreng serbisyong beterinaryo para sa mga alagang hayop at livestock bilang bahagi ng animal health at rabies prevention efforts sa lalawigan.

Sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office o PVO, kabilang sa mga serbisyong inihahatid ang pagbabakuna laban sa Hemorrhagic Septicemia, deworming, vitamin supplementation, veterinary consultation at pagbibigay ng kinakailangang gamot.

Nagsagawa na ng serbisyo noong Setyembre 17 sa Barangay Bunlalacao, Mangatarem at Setyembre 23 sa Barangay Tampac, Aguilar, habang nakatakda naman ang susunod na aktibidad sa Setyembre 30 sa Barangay Uyong, Labrador.

Kasabay nito, pinalawak din ngayong buwan ang mga serbisyong para sa aso at pusa kaugnay ng paggunita sa World Rabies Day noong Setyembre 28.

Kabilang dito ang libreng anti-rabies vaccination, castration at spaying, deworming, vitamin supplementation at veterinary consultation, gayundin ang information and education campaign tungkol sa rabies at responsableng pag-aalaga ng hayop.

Nagsagawa na ng mga aktibidad sa Alcala, San Quintin, San Jacinto, San Nicolas, Alaminos City at Asingan.

Ngayong Setyembre 29, nakatakda namang dalhin ang libreng veterinary services sa Pozorrubio.

Layunin ng programa na mas mailapit sa mga pet owner at livestock raiser ang mga pangunahing serbisyong pangkalusugan para sa kanilang mga hayop at makatulong sa pag-iwas sa rabies at iba pang sakit. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments