Inilabas na ng lokal na pamahalaan ng Villasis, Pangasinan ang iskedyul ng pagbisita ng health team sa 16 na barangay para sa programang Gamutan sa Barangay mula Nobyembre 3 hanggang 27.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng programa na mabigyan ng libreng konsultasyong medikal at gamot ang mga residenteng kailangan pang bumiyahe patungo sa Rural Health Unit o RHU upang magpakonsulta.
Magsisimula ang serbisyo sa Barangay Unzad ngayong araw, Nobyembre 3.
Susunod namang bibisitahin ang mga barangay ng San Blas, Lomboy, San Nicolas, Puelay, Barraca, La Paz, Caramutan, Tombod, Capulaan, Amamperez, Bacag, Piaz, Labit, Lipay at Barangobong.
Pinayuhan ang mga residente na alamin ang nakatakdang petsa ng pagbisita sa kanilang barangay upang mapakinabangan ang libreng serbisyo.
Para naman sa mga hindi makakahabol sa iskedyul, maaari silang magtungo sa RHU Villasis para sa konsultasyong medikal. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










