MGA BUS TERMINAL SA DAGUPAN, DINAGSA NG MGA PASAHERO MATAPOS ANG UNDAS; BIYAHE AT SEGURIDAD, TINUTUKAN NG MGA AWTORIDAD

Ramdam na sa mga bus terminal sa Dagupan City ang pagdagsa ng mga pasaherong pabalik sa kani-kanilang trabaho at paaralan matapos ang paggunita ng Undas 2026.

Simula pa kahapon, Nobyembre 2, ay dumadami na ang mga biyaherong pauwi sa kanilang mga destinasyon matapos ang mahabang bakasyon.

Ayon kay Jomiden Tobias, dispatcher sa isang bus terminal, nasa 130 bus ang nananatiling operational upang tugunan ang pangangailangan ng mga pasahero.

Tuloy-tuloy din ang biyahe ng mga bus na may tinatayang sampung minutong pagitan upang maiwasan ang mahabang paghihintay ng mga biyahero.

Inaasahan naman ng mga kawani ng terminal na magpapatuloy ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga susunod na araw.

Samantala, kasabay ng pagdami ng mga biyahero, nananatiling mahigpit ang pagbabantay ng pulisya sa mga terminal upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga pasahero.

Ayon kay PCPT Eric Castro Dela Cruz, OIC Station Commander ng Dagupan City Police Station 2, nagpapatuloy ang kanilang police visibility at mga operasyong pangseguridad bilang pag-iingat laban sa posibleng krimen at iba pang hindi kanais-nais na insidente.

Bahagi rin ng kanilang pagbabantay ang pakikipagdayalogo sa mga pasahero at pagbibigay ng mga paalala upang maiwasan ang pagnanakaw, pagkawala ng mga gamit at iba pang aberya sa pagbiyahe.

Samantala, tiniyak ng mga kawani ng terminal na nananatiling nakabatay sa aprubadong fare matrix ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang kanilang mga pamasahe.

Patuloy namang minomonitor ang operasyon at daloy ng mga bus upang matugunan ang pangangailangan ng mga pasahero sa inaasahang pagdami ng mga biyahero ngayong pagtatapos ng Undas break. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments