LIBRENG MOBILE REGISTRATION PROGRAM, ILULUNSAD SA IBA’T IBANG BARANGAY SA SAN CARLOS CITY

Inanunsyo ng Office of the City Civil Registrar ng San Carlos City ang pagsasagawa ng Mobile Registration Program na maghahatid ng libreng serbisyo sa civil registration sa iba’t ibang barangay sa lungsod ngayong June 2026.

Kabilang sa mga serbisyong handog sa programa ang libreng tulong sa birth registration, pagbibigay ng Certificate of Live Birth (COLB) sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Birth Registration Assistance Project (BRAP), National ID registration assistance, at pagbibigay ng impormasyon hinggil sa mga batas, tuntunin, at regulasyon sa civil registration.

Ayon sa inilabas na iskedyul, magsisimula ang mobile registration sa mga sumusunod na barangay mula June 11; Barangay Bolosan, 18; Barangay Caingal, 19; Barangay Capataan, 25; Barangay Pangalangan, at 26; Barangay Mestizo Norte.

Lahat ng aktibidad ay magsisimula alas-9:00 ng umaga sa mga itinakdang lugar.

Pinapayuhan ang mga aplikante na ihanda ang mga kinakailangang dokumento tulad ng baptismal certificate, school records, marriage certificate ng mga magulang kung kasal, certificate of indigency, valid identification cards o iba pang patunay ng pagkakakilanlan, affidavit ng dalawang taong maaaring magpatunay sa kapanganakan, community tax certificate o cedula, at 2×2 larawan.

Hinikayat ng City Civil Registrar ang mga residente na samantalahin ang libreng serbisyong ito upang matiyak ang wastong pagpaparehistro ng kanilang kapanganakan at magkaroon ng akses sa mahahalagang dokumentong kinakailangan sa pag-aaral, trabaho, at iba pang transaksyon sa pamahalaan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments