Nagsagawa ng isang makabuluhang School-Based Community Outreach Program ang 102nd Maneuver Company sa Bissayot Elementary School sa Barangay Comillas North, Cervantes, Ilocos Sur bilang bahagi ng kanilang patuloy na adbokasiya na maghatid ng pag-asa at tulong sa komunidad.
Layunin ng outreach program na palakasin ang ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan at ng komunidad, suportahan ang pangangailangang pang-edukasyon ng mga mag-aaral, at isulong ang kooperasyon para sa kapakanan ng mga kabataan.
Tampok sa isinagawang programa ang mga educational lecture, feeding program, pamamahagi ng school supplies at mga gamit na damit, libreng pagpapagupit, at Zumba activities para sa mga kalahok. Malugod namang tinanggap ng mga mag-aaral, guro, at residente ang mga serbisyong inihatid ng mga katuwang na organisasyon.
Samantala, nagbigay rin ng area security assistance ang mga tauhan ng 102nd Maneuver Company upang matiyak ang kaligtasan, kaayusan, at maayos na daloy ng buong aktibidad.
Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, patuloy na naipapakita ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan sa paghahatid ng serbisyo at inspirasyon sa mga komunidad na nangangailangan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










