PROJECT P.I.S.O., NAGHATID NG TULONG PANG-EDUKASYON SA MGA BENEPISYARYONG MAG-AARAL SA LA UNION

Patuloy na isinusulong ng 2nd La Union Provincial Mobile Force Company (LUPMFC) ang kanilang adbokasiya para sa edukasyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Project P.I.S.O. (Pagtulong mula sa Puso, Handog para sa Iskolar ng Pulis, Suporta sa Edukasyon at Oportunidad tungo sa Maayos na Kinabukasan).

Layunin ng programa na magbigay ng bahagyang tulong pang-edukasyon sa mga piling benepisyaryo at mga naulilang anak ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na nahaharap sa suliraning pinansyal na nagiging hadlang sa kanilang pag-aaral.

Bilang bahagi ng nasabing inisyatiba, nagsagawa ng pamamahagi ng mga school supplies, uniporme, at sapatos.

Sa pamamagitan ng Project P.I.S.O., patuloy na ipinapakita ng 2nd La Union Provincial Mobile Force Company ang kanilang suporta hindi lamang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan kundi maging sa pagsusulong ng kapakanan at kinabukasan ng mga kabataan sa komunidad.

Ang programa ay isa ring patunay ng kahalagahan ng pagkakaisa, malasakit, at pakikipagtulungan ng pulisya sa komunidad upang mabigyan ng oportunidad ang mga batang nangangarap na makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng mas magandang buhay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments