Agad na naaresto ng mga awtoridad ang isang suspek sa kasong robbery matapos ang isinagawang hot pursuit operation ng Vigan City Police Station noong June 8, 2026.
Ayon sa ulat ng Ilocos Sur Police Provincial Office (ISPPO) sa pamumuno ni Provincial Director PCOL Agosto M. Asuncion, pinasok umano ng suspek ang isang bahay sa Barangay Tamag, Vigan City at tinakot ang biktima gamit ang matalim na bagay. Tinangay nito ang P22,300 na cash at isang gintong kuwintas na nagkakahalaga ng P20,000.
Matapos matanggap ang ulat, agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Vigan CPS. Natunton nila ang suspek habang nagmamaneho ng kanyang traysikel at dinala ito sa himpilan para sa kaukulang imbestigasyon.
Positibong kinilala ng biktima ang suspek bilang siyang responsable sa insidente. Sa isinagawang inspeksyon sa traysikel ng suspek, nakumpiska rin ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang drug residue at ilang drug paraphernalia.
Samantala, muling tiniyak ng ISPPO ang kanilang patuloy na pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan. Ayon kay PCOL Asuncion, paiigtingin pa ng pulisya ang kanilang operasyon laban sa lahat ng uri ng kriminalidad upang matiyak ang kaligtasan ng publiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










