
Nanawagan ang tatlong lider ng Kamara ng malalimang imbestigasyon sa pagkasawi ng Ateneo de Manila University student-athletes na sina Divine Adili at Rene Clert Baterbonia matapos malunod sa isang team-building activity sa Aurora.
Giit nina House Deputy Speakers Reps. Paolo Ortega V at Jefferson Khonghun, kasama si House Assistant Majority Leader Rep. Zia Alonto Adiong, dapat ikasa ang isang agarang, masusing, at independent investigation sa insidente.
Ayon sa kanila, kinakailangang busisiin ang safety protocols, risk assessment procedures, supervision standards, at emergency preparedness na maaaring nauwi sa trahedya.
Sa planong pagdinig, ipapatawag ng Kamara ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan upang tumulong sa pag-imbestiga at pagtalakay sa mga naging pagkukulang.
Kasabay nito, hinimok din ng mga mambabatas ang mabilis na aksyon ng mga ahensya ng gobyerno upang matiyak ang agarang hustisya para sa naulilang pamilya ng mga biktima.










