
Iginiit ni Senate President Chiz Escudero na hindi niya bibigyan ng pagkakataon ang kampo ni Vice President Sara Duterte na kwestyunin ang magiging proseso ng Senado oras na magsimula na ang impeachment trial nito.
Ayon kay Escudero, ito ang dahilan kung kaya’t nag-iingat siya na mabutasan at mabigyan ng dahilan si VP Duterte na dumulog sa korte at magkaroon ng pagkakataon ang Supreme Court na manghimasok o makialam sa Senado sa aniya’y itinuturing na political process.
Sinabi ng mambabatas na kailangang maging malinaw sa rules ang saklaw ng kapangyarihan ng Senado para sa pagdaraos ng impeachment trial dahil kung hindi ay posibleng kada galaw nila ay iaakyat lamang ito sa Korte Suprema.
Nakasaad sa rules ng Senado na ang Senate President ay dapat sumunod sa order ng impeachment kaya kailangan na maging maingat sila sa bagay na ito at hindi maging padalos-dalos.
Tiniyak naman ni Escudero na magiging patas ang Senado para wala silang dahilan o rason na kwestyunin ang mga hakbang kapag nag-convene na ang impeachment court.