Friday, July 3, 2026

Pagtatatag ng anti-bullying help desk, pinag-aaralan ng PNP

Pinag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad ng pagtatatag ng mga anti-bullying help desk para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral bilang suporta sa mga hakbang ng Department of Education (DepEd).

Kung saan ito ay pamamahalaan ng mga tauhan mula sa Women and Children Protection Desk (WCPD) na matatagpuan sa bawat himpilan ng pulisya.

Kinikilala naman ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., na nangangailangan ng agarang interbensyon ang mga kaso ng bullying para hindi ito humantong sa pagsasagawa ng krimen.

Kaugnay nito, kabilang sa mga pinakahuling inisyatiba ng DepEd ang panukalang mandatoryong inspeksyon ng mga bag at ang paglikha ng mga posisyon para sa school counselors.

Nabatid na inaprubahan na ng Civil Service Commission (CSC) ang mga posisyon para sa school counselors, na inaasahang magpapalakas sa mga serbisyong pangkalusugan ng pag-iisip para sa mga mag-aaral.

Tiniyak naman ni Nartatez na patuloy ang koordinasyon ng PNP sa DepEd para magbigay ng proteksyon sa mga mag-aaral at siguraduhin na ang lahat ng eskwelahan ay ligtas.

Facebook Comments