HVT NA MIYEMBRO NG SPUTNIK GANG, ARESTADO SA BUY-BUST OPERATION SA ILOCOS SUR

Arestado ang isang 41 anyos na lalaki na itinuturing na high-value target (HVT) at umanoy miyembro ng Sputnik Gang sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya madaling-araw nitong Linggo sa Barangay Damacuag, Ilocos Sur.
‎Pinangunahan ang operasyon ng Sta. Lucia Municipal Police Station katuwang ang ibat ibang yunit ng pulisya at sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1.

Kinilala ang suspek bilang residente ng Barangay Calumpang, Binangonan, Rizal at nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nakumpiska mula sa suspek ang dalawang heat-sealed na plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 187 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng nasa 1.2 milyong piso kabilang ang buy-bust item.

Narekober din ang marked money at iba pang personal na gamit na magsisilbing ebidensya sa kaso.

Patuloy naman ang awtoridad sa mahigpit na kampanya laban sa ilegal na droga.

Facebook Comments