Isang mahalagang hakbang tungo sa mas maayos na kabuhayan ang naabot ng mga mangangalakal sa Alaminos Landfill matapos ang pormal na pagkakatatag ng kanilang samahan sa isinagawang orientation at election ng mga opisyal.
Pinangunahan ang inisyatiba ng City Environment and Natural Resources Office (City ENRO) sa pamumuno ni CGDH I Rosalie Salalila-Aruelo, katuwang ang Alaminos City Cooperatives Development Office.
Sa nasabing aktibidad, nagkaisa ang mga miyembro na pangalanan ang kanilang organisasyon bilang Samahang Mangangalakal ng Alaminos City, na magsisilbing daan upang mapalakas ang kanilang samahan at mapabuti ang kanilang kabuhayan.
Ayon sa mga organizer, layunin ng pagkakabuo ng samahan na mabigyan ang mga mangangalakal ng mas maraming oportunidad para sa pag-unlad, kabilang ang mga programa sa livelihood, pagsasanay, at iba pang serbisyong makatutulong sa pagpapataas ng kanilang kita at kalidad ng pamumuhay.
Inaasahan ding magiging instrumento ang samahan upang mapalawak ang partisipasyon ng mga miyembro sa mga programang pangkabuhayan ng lokal na pamahalaan at magkaroon ng mas matatag at maayos na kinabukasan ang kanilang mga pamilya.
Ang pagkakatatag ng Samahang Mangangalakal ng Alaminos City ay isa sa mga hakbang ng pamahalaang lungsod upang patuloy na suportahan ang mga sektor na umaasa sa maliliit na kabuhayan at isulong ang inklusibong kaunlaran sa komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










